-- Advertisements --

Pinarerekonsidera ni House Committee on National Defense senior vice chairman Ruffy Biazon sa Department of National Defense (DND) ang desisyon na bawiin ang kasunduan sa University of the Philippines (UP) na nagbabawal sa pagpasok ng mga uniformed personnel sa mga campus ng unibersidad.

Sa halip na bawiin ang Soto-Enrile accord, sinabi ni Biazon na dapat ay makipagdayalogo ang DND sa UP leadership at community para magkasundo sa isang joint approach para labanan ang recruitment nang mga rebelde sa mga estudyante ng habang pinapanatili naman ang academic freedom, critical thinking, at ideological debate sa unibersidad.

Nababahala si Biazon na sa halip na makatulong para protektahan ang UP at mga estudyante nito kontra mga tinaguriang “enemies of the state” ay kabaligtaran ang magiging epekto ng unilateral agreement na ito.

Posible kasing isipin ng publiko na kalaban ng UP at kabataan ang Armed Forces of the Philippines dahil nagbibigay ng impression ang termination sa kasunduan na inaatake nito ang academic freedom.

Sa kanyang liham sa liderato ng UP, sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na layon nilang protektahan ang unibersidad at mga estudyante nito laban sa recruitment ng mga rebelde.

Iginiit ni Lorenzana na “obsolete” na ang kasunduan na ito, na nalagdaan noon pang 1989.

Sa mga nakalipas na taon ay naging “breeding ground” na kasi aniya ang UP nang mga “intransigent individuals and groups.”

“The country’s premier state university has become a safe haven for enemies of the state,” dagdag pa ni Lorenzana.