-- Advertisements --

ROXAS CITY – May positibong epekto sa mga magsasaka sa bansa ang planong pagsuspinde sa importasyon ng bigas mula sa ibang rice producing countries.

Ito ang inihayag ni Capiz Vice Governor at Grains Retailers Confederation of the Philippines (GRECON) national president Jaime Magbanua kasunod ng report na plano umanong suspendihin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang importasyon ng bigas mula sa ibang bansa.

Ayon kay Magbanua, ikinagagalak ng kanilang grupo ang naturang plano dahil negatibo naman ang resulta ng implementasyon Republic Act 11203 o Rice Liberalization Law sa mga magsasaka sa bansa kung kaya’t nararapat lamang na ibasura ito.

Aniya kasunod ng implementasyon nito ay unti-unting bumaba ang presyo ng kilo ng palay na nagresulta sa pagkakalugi ng mga magsasaka.

Dagdag nito na apektado ang mga magsasaka dahil sa halip na locally produced rice ay mas pinipiling bilhin ng publiko ang mga imported rice mula Thailand o Vietnam.