Muling sinabi ni prosecutor general Ben Malcontento na wala pa ring epekto sa mga kasong isinampa kay Senator Leila de Lima matapos ang naging pagbaliktad rin ni dating Bureau of Corrections OIC Rafael Ragos sa kanyang naunang naging pahayag laban sa senadora.
Ayon kay Malcontento, sa ngayon ay pinag-aaralan na ng prosekusyon sa korte ang naging pahayag na ito ni Ragos dahil posible raw na nahaaluan na ito ng pulitika.
Ngunit nilinaw niya na kahit daw na maihabol pa ang huling affidavit ng dating BuCor official ay hindi ito nangangahulugan na paniniwalaan na ito ng husgado.
Aniya, kung tutuusin ay wala na raw silbi pa sa prosekusyon si Ragos sa kadahilanang “rested” na umano ang panig nito sa kaso at handa rin naman daw sila sa mga posibleng pag-usbong pa ng mga testigo magbabawi sa kani-kanilang testimonya laban kay De Lima.
Magugunita na kamakailan lang nang isapubliko rin ng self-confessed drug lord Kerwin Espinosa ang kanyang counter-affidavit na pinabubulaan ang kanyang naging pahayag na nagdadawit kay De Lima sa mga kaso ng ilegal na droga.