-- Advertisements --

Nagdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa ang tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Nueva Ecija, na nakaapekto sa daloy ng trapiko, mga sakahan, at nagbunsod sa pansamantalang pagsasara ng isang detour road.

Sa Nueva Ecija-Aurora Road sa Barangay Calaanan, Bongabon naganap ang isang landslide. Agad isinagawa ang clearing operations kaya hindi nagkaroon ng matinding aberya sa mga motorista.

Sa Barangay San Roque, Bongabon, umabot ang baha sa isang tulay at lumubog ang ilang taniman ng mais. Dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig, inilikas ng mga residente sa mas ligtas na lugar ang kanilang mga kalabaw.

Samantala, pansamantalang isinara ng mga awtoridad ang detour road sa ginagawang tulay sa Barangay Sagana, Laur, upang mapadaloy nang maayos ang tubig sa sapa at maiwasan ang mas malawak na pagbaha sa mga kalapit na komunidad.

Ayon sa mga opisyal, nagsimula nang maipon ang tubig sa naturang daanan, habang ang malakas na agos ay unti-unti ring sumisira sa detour road na maaaring magdulot ng panganib sa mga dumaraang sasakyan.

Nagdulot din ng mabagal na daloy ng trapiko ang pagbaha sa bahagi ng Maharlika Highway sa hangganan ng Cabanatuan City at Talavera.

Magdamag namang nagsagawa ng paglilinis ng mga kanal ang mga tauhan ng DPWH upang mapabuti ang daloy ng tubig at mabawasan ang pagbaha sa mga apektadong lugar.