Hindi kumbensido ang ilang mambabatas sa napaulat na pagbagal ng inflation rate sa 2.7 percent noong Hunyo.
Sinabi nina Bayan Muna Party-list Reps. Carlos Isagani Zarate at Ferdinand Gaite na hindi naman daw kasi sumasalamin ang ulat na ito ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa realidad.
Ayon kay Zarate, hindi naman totoong bumaba ang presyo ng maraming mga pangunahing blihin, bagkus ay patuloy pa nga itong tumataas katulad na lamang ng sa gatas, kape at marami pang iba.
Maging ang presyo ng petrolyo ay “sobra” pa rin aniya ang taaas.
“In reality the inflation figure is just a number that the administration’s economic manager use to fool the Filipino people that everything is peachy while they are wallowing in poverty,” ani Zarate.
Kinalampag naman ng kongresista ang Malacanang sa outstanding debt ng pamahalaan na umabot na sa P7.915 trillion hanggang noong Mayo.
Ang malaking utang na ito ng bansa ay inaasahan ni Zarate na ipapasa at magpapabigat sa mga susunod na henerasyon.
Samantala, nanawagan naman si Gaite na taasan na ang minimum wage ng mga manggagawa sa P750 kada araw dahil kung titingnan walang kabuluhan ang pagbaba ng inflation kapag mababa naman ang sinasahod ng isang empleyado.