-- Advertisements --

Kinumpirma mismo ni Deputy Speaker at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na magbubukas muli sa 2021 ang operasyon ng TV giant ABS-CBN bilang resulta ng pagpapalit ng liderato sa House of Representatives.

Ayon kay Atienza sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Lord Allan Velasco ay maibabalik muli sa floor ang diskusyon sa pagpapalawig sa prangkisa ng ABS-CBN.

“I am really confident, justice will prevail by next year.They(ABS-CBN) were maltreated, they were maltreated, they were eventually assassinated, so they should be given justice. Ako, I am just giving the new Speaker time to settle. Hindi naman natin puwedeng biglain, major battle, kauupo lamang niya. But I am not shying away from the responsibility and for the opportunity to come – that I’m working on – para maibalik natin ‘yung floor discussion. Hindi ‘yung special firing squad ang pumatay sa ABS-CBN, firing squad eh,” paliwanag ni Atienza.

Ang firing squad ay ang patukoy sa ginawang pagbasura agad sa komite level ng franchise renewal application ng giant network at hindi na ito naisalang sa House Plenary.

Matatandaang binasura ng House Committee on Legislative Franchises ang aplikasyon para sa franchise renewal ng ABS-CBN sa botong 70-11-1.

Sinabi naman ni House Minority leader at Abang-Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano na pagpasok ng 2021 ay maaari nang maghain ng franchise renewal application ang ABS-CBN alinsunud na rin sa rules ng Kamara.

Sa ngayon ay wala pang pro-ABS-CBN congressman ang naghahayag ng kanilang intensiyon na maghain ng panukala para irenew ang prangkisa ng ABS-CBN subalit kung pagbabayaan ang House rules ay maaaring hindi na maghain ng bagong aplikasyon dahil maaari namang gamitin ang dati nang panukala dahil walang pagbabawal sa filing o refiling ng mga bills na hindi naaktuhan ng komite.