-- Advertisements --

Nakatakdang magdagdag ngayong araw ang lokal na pamahalaan ng Makati ng lima pang vaccination sites para sa pagbabakuna ng mga matatanda at persons with comorbidities.

Sa isang pahayag, sinabi ni Makati Mayor Abby Binay na ang pagdating ng mga bagong batch ng COVID-19 vaccines mula sa gobyerno ay magiging daan umano para magbukas ang lungsod ng mga additional sites.

Ito ay para raw mas pabilisin pa ang pagbabakuna sa libu-libong residente ng Makati na nag-register online para sa Bakuna Makati program.

Nakumpleto na rin ang installation ng mga equipment at materyales para sa mga vaccination sites.

Ang mga karagdagang vaccination centers na ito ay matatagpuan sa Bel-Air, Forbes Park, San Lorenzo at Urdaneta.

Ang isa naman ay ilalagay sa Asia Pacific College sa Barangay Magallanes.

Bawat vaccination registrant ay kinakailangang maghintay ng confirmation message kung saan nakalagay ang kanilang bilang, designated schedule at assigned venue.

Samantala, ang Makati Health Department naman ay magpapadala ng tatlong vaccination teams kada village para magbakuna ng Sinovac vaccines sa mga senior citizens sa Makati.

Target ng Makati na mabakunahan ang nasa 155,000 senior citizens ng lungsod.