Dapat umanong mas paigtingin pa ng gobyerno ang laban kontra sa dengue at measles na parehong maaaring iwasan sa tulong ng bakuna, para ‘yan kay Philippine Foundation for Vaccination executive director Dr. Lulu Bravo.
Kung hindi raw bibigyang-pansin ng pamahalaan ang paglaban sa measles at polio ay maaari itong makaapekto sa turismo ng bansa sapagkat naniniwala si Bravo na wala umanong pupunta sa Pilipinas kung mataas ang kaso ng dengue, measles, polio, at influenza.
Ayon kasi sa National Immunization Coverage 2022 data, ang Pilipinas ay kabilang sa limang nangungunang bansa na may pinakamaraming mga batang walang bakuna sa East Asia and the Pacific Region.
Subalit magugunita naman noong nakaraang taon ay naglunsad ng programa ang DOH na layong mabakunahan ang 95% ng mga bata sa bansa laban sa mga sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng pagbabakuna.