Hindi raw dapat maalarma ang publiko kung hindi man kayang i-sustain ng mga estudyane ang pagdalo sa kanilang mga online classes.
Ito ay matapos ang naging pahayag ng isang samahan ng mga guro na unti-unti raw kumakaunti ang bilang ng mga estudyante na sumasali sa distance schooling.
Paliwanag ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Diosdado San Antonio, marami pa namang modalities ang pwedeng gamitin ng mga estudyante para matuto.
Sa kasalukuyan aniya ay bineberipika pa ng DepEd ang impormasyon na bumababa ang bilang ng mga estudyante na dumadalo sa modular at online learning.
Inaasahan na matatanggap ng kagawaran sa Enero 2021 ang report na naglalaman ng learning continuity at mga hamon na hinaharap ng mga mag-aaral at mga guro.
“I don’t have the data now as to the general trend. We may be talking to different kinds of human beings who have mixed reactions to the things that we do, and we realize that. We have to make sure that everything we do should benefit the general majority of learners we have,” saad nito.
Ayon kay San Antonio, kung ang problema raw ng mga estudyante ay internet connectivity ay maaari nilang piliin ang digital delivery modality sa pamamagitan ng modules kung saan hindi na nila kailangan pang dumalo ng klase.
Napag-alaman daw kasi ng Teachers’ Dignity Coalition na kalahati lang ng 40-person class ang sumisipot sa kanilang online classes, at karamihan din daw ng mga estudyante na may self-learning modules ay hindi nagsa-submit ng kanilang mga asignatura.
“The issue of online learning not being sustained should not alarm all of us… For me, it should not be a big concern because we are able to immediately revert to another distance learning modality just to be sure that every learner is still given access to the learning resources,” wika ni Antonio.