-- Advertisements --

Hindi pa maaasahan ang pagbaba agad ng reproduction number ng coronavirus sa loob ng kalahating buwan.

Ayon sa UP OCTA Research group, kahit may National Capital region (NCR) Plus bubble, hindi naman ito instant na makakaapekto dahil may mga nagpopositibo rin sa iba pang bahagi ng ating bansa.

Sinabi ni Prof. Guido David, na tumagal dati ng halos isang buwan para bumaba ang reproduction number ng makaranas ang Pilipinas dati ng paglobo sa kaso ng COVID-19 noong 2020.

Sa kasalukuyan, nasa 2.1 ang reproduction number sa Metro Manila at kung nais na mapababa ang kaso ng COVID-19, kailangang mapababa rin ang reproduction number mula sa 2.1 patungo sa 1.0.

“Right now, the reproduction number in NCR is about 2.1, and if we want to reduce the number of cases, that means we have to reduce the reproduction number from 2 all the way down to 1. This cannot happen in two weeks, unfortunately,” wika ni David.

Kasabay nito, iginiit ni David ang pagtaya ng OCTA Research na maaabot na ng Metro Manila hospitals ang full capacity sa unang linggo ng Abril sa gitna na rin nang pagtaas pa ng COVID-19 cases sa bansa.