Hindi raw inaasahan ng Philippine National Police (PNP) ang pagbaba ng index crime ngayon Disyembre kumpara sa parehong period noong nakaraang taon.
Ang mga index crime ay tumutukoy sa mga seryosong krimen na kinabibilangan ng homicide, pagpatay, panggagahasa, pisikal na pinsala na nauuri bilang mga krimen laban sa tao; at, pagnanakaw, robbery,carnappping ng mga sasakyan at pagnanakaw ng mga motorsiklo, na nauuri bilang crimes against property.
Sinabi ng tagapagsalita ng Philippine National Police na si Police Col. Jean Fajardo, bumaba raw kasi ng 30 percent ang kaso ng index crimes sa bansa ngayong Disyembre kumpara sa parehong period noong nakaraang taon.
Ang pagbaba naman ng index crime ay ikinagulat ng pambansang pulisya sa kabila ng pagluluwag ng ating bansa sa mga health protocols ngayong holiday season.
Pero sa kabila nito, tiniyak naman ng pambansang pulisya na tuloy-tuloy at walang pahinga ang PNP sa pagpapatrolya at pagbabantay sa komunidad ngayong holiday season.
Una rito, nagsagawa ng orientation ang Philippine National Police maging seminar sa mga barangay tanod kung paano ang tamang pagpapatrolya.
Mahalaga raw ito para hindi mapahamak ang mga tanod tuwing may rerespondehang mga gulo sa barangay.
Kung maalala bumuhos ang mga deboto sa simbang gabi dahil nanamik ang mga ito matapos hindi makadalo sa nakaraang taon dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.