-- Advertisements --

Isinusulong ni Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan ang panukalang batas na naglalayong i-translate sa Filipino at regional dialects ang mga easy-to-understand information sa panahon ng sakuna at kagipitan o emergencies.

Inihain ni Yamsuan ang House Bill (HB) No. 9947 upang gawin itong requirement o pangangailangan para sa lahat ng national at local government offices na naatasang maghatid ng mga advisory, anunsiyo at iba pang anyo ng impormasyon sa mga sakuna at emerhensiya.

Sinabi ni Rep. Yamsuan na ang napakahalagang hakbang sa pagtiyak ng kahandaan at agarang aksyon sa panahon ng mga emerhensiya ay ang pagpapalaganap ng impormasyon sa mga format na madaling maunawaan, at pagsasalin ng mga nilalaman ng mga ito sa Filipino at rehiyonal na mga wika na angkop sa mga apektadong komunidad.

Binigyang-diin ng Kongresista na ang mabilis at tumpak na impormasyon ay ang pinakamahalagang kasangkapan sa panahon ng mga emerhensiya, ngunit kailangan din tiyakin na ang impormasyon ay maayos na naipaparating at naiintindihan nang ating mga kababayan.

Ipinunto ng Bicolano solon na kapag ang impormasyon ay magagamit at naihatid sa isang wika na nauunawaan ng mga tao, mas mabilis silang makakatugon,at posibleng makapagligtas ng mga buhay at ari-arian ng sa gayon mabawasan ang kabuuang pinsala dulot ng sakuna.

Inihain ni Yamsuan ang panukalang batas kasunod ng paggunita ng International Mother Language Day noong Pebrero 21. Ito ay sinusunod bawat taon upang itaguyod ang multilingualism at pagkakaiba-iba ng kultura.

Sa ilalim ng panukalang batas ang HB 9947, ang pag translate sa mga impormasyon sa mga lokal na diayalekto ay dapat ikunsidera ang geographical location ng mga apektadong komunidad.

Ang mga emergency-related information na i-translate sa Filipino at regional dialects ay magmumula sa mga sumusunod na government agencies gaya ng: Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA); Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs); National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Department of Health (DOH); Department of Agriculture (DA); Department of Environment and Natural Resources (DENR); Bureau of Fire Protection (BFP); Armed Forces of the Philippines (AFP); Philippine National Police (PNP); at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kabilang sa mga advisories ang typhoons o bagyo, pagbaha, storm surges; volcanic activities; earthquakes at tsunamis; landslides; disease outbreaks at iba pang public health emergencies; human security concerns; emergency aid at social protection measures.