-- Advertisements --

Posibleng sundin umano ng Senado ang naging legal na proseso sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012 kung maglalabas ito ng subpoena para sa tax records ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Senate impeachment court spokesperson Regie Tongol.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Tongol na naaprubahan na ng impeachment court ang hiling ng House prosecution panel na maglabas ng subpoena duces tecum at subpoena ad testificandum laban sa mga opisyal ng Land Bank of the Philippines at sa mga dokumentong may kaugnayan sa Article I ng impeachment complaint, na tumatalakay sa umano’y maling paggamit o misappropriation ng confidential funds.

Nabatid na ang pag-subpoena ay gagawin sa pamamagitan ng ex parte proceedings, kaya wala umanong dahilan ang depensa upang pigilan ang paglalabas nito.

Gayunpaman, maaari pa ring tutulan ng kampo ng Bise Presidente ang pag-subpoena sa panahon ng presentasyon ng ebidensya, paghahain ng mga dokumento, o pagtatanong sa mga testigo.

Nilinaw rin ni Tongol na mas komplikado ang usapin kapag ang hinihinging mga dokumento ay bank records, tax records mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), o mga report ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), dahil saklaw ang mga ito ng iba’t ibang batas sa bank secrecy, taxpayer confidentiality, privacy, at iba pang legal limitations.

Nananatiling magkakaiba rin daw ang pananaw ng mga eksperto sa batas kung maaari bang kuwestiyunin sa Korte Suprema ang subpoena na ipalalabas ng impeachment court.

May mga nagsasabing ang Senado, bilang impeachment court, ang may eksklusibong kapangyarihan na dinggin at resolbahin ang mga impeachment case, kaya hindi basta maaaring pakialaman ng Korte Suprema ang mga interlocutory orders nito.