Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pag-review ng Philippine Military Academy (PMA) curriculum para mahasa ang kakayahan ng mga kadete sa gitna ng umuusbong at kinakaharap na mga hamon ng bansa.
Sa talumpati ng Pangulo kasabay ng pagtatapos ng PMA Bagong Sinag Class of 2024 sa Baguio city, iniatas niya ang naturang direktiba sa Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines para matiyak na ang mga kadete ay equipped ng mga kasanayan ng ika-21 siglo na kailangan para sa paglaban sa mga banta sa seguridad.
Binigyang diin din ng Punong ehekutibo na sa digital battlefield, mahalagang kasangkapan ang malinaw na bisyon para sa katotohanan gayundin ang integridad at pagkamakabayan para malabanan ang mga pagtatangka ng disinformation at infiltration.
Si Pangulong Marcos ang guest of honor at keynote speaker sa PMA Commencement Exercises para sa Bagong Sinag Class of 2024 sa PMA Borromeo Field, Fort Gregorio del Pilar, Loakan sa Baguio city.
Iprinisenta din ng Pangulo ang mga diploma at awards sa mga nagsipagtapos.
Nasa kabuuang 278 kadete ang nagtapos mula sa Bagong Sinag Class of 2024 kung saan 143 sa kanila ang nagsilbi sa army, 62 sa Air force at 73 sa PH navy.