CAGAYAN DE ORO CITY – Tuluyan na umanong naresolba ng pulisya ang malaking robbery incident na ginawa ng baguhang criminal organized gang na tumira sa dalawang pawnshops at bank automated teller machine sa loob ng Gaisano Mall Capital sa Purok 3, Sitio Baybay,Barangay Santa Cruz,Ozamiz City,Misamis Occidental.
Batay ito sa crime parameter ng pulisya na nakatutok sa pinakamalaking panloloob na naganap sa kasaysayan sa nasabing lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Police Regional Office 10 spokesperson Major Joann Navarro na naisampa na ang robbery case sa piskalya laban sa limang arestadong personalidad at iba pang ‘John Does.’
Sinabi ni Navarro na kabilang sa mga sinampahan ng kasong kriminal ay ang tatlong indibidwal na nagmula sa Tangub City ng Misamis Occidental at dalawa rin mula sa Zamboanga del Sur kung saan natuklasan na lahat sila nagta-trabaho sa peryahan.
Magugunitang inisyal natangay ng mga arestadong salarin ang mahigit P30 million na pera at halaga ng mga alahas habang hindi na paglabas ng final inventory ng isa pang pawnshop at bank ATM.
Napag-alaman na dumaan sa open drainage ang mga kawatan,binutas ang flooring ng mall food court at tuluyang napasok ang dalawang magkatabi na pawnshops na nadiskobre umaga ng Enero 1.