-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nagdulot ng matinding alarma sa hanay ng pulisya ang unang napaulat na umano’y mayroong pagkadukot ng tatlong mga negosyanteng Chinese nationals sa isang business establishments na nakabase sa Zone 9,Barangay Cugman,Cagayan de Oro City.

Dumulog kasi ang mga empleyado ng Soar High Construction Supplies Trading Warehouse sa pulisya upang isumbong na puwersahang inaaresto ng mga nagpakilalang mga tauhan ng Bureau of Immigration and Deportation at pinasakay sa pribadong mga sasakyan ang tatlong Chinese nationals na sina Kang Yang;Leo Co Bautista at Xiao Kang Ruan upang dalhin sa Maynila.

Subalit pagpapaliwanag ng BID’s Cagayan de Oro District Office Alien Control Officer na si Felipe Alano Jr na lehitimo ang operasyon ng kanilang mga tauhan upang dakpin ang tatlong Chinese nationals.

Ito ay dahil sa iilang paglabag ng batas partikular ang pagsilbi umanong over staying dito sa bansa.

Bagamat inamin ni Alano na maging siya ay nagulat rin dahil hindi nakipag-ugnayan sa kanilang tanggapan ang mga tauhan ng central office na mayroong bitbit na mission orders laban sa tatlong mga dayuhan.

Humingi rin ito ng despensa sa publiko at pulisya dahil sa naidulot na alarma makuha lamang ang naka-MO ng BID central office.