Pinaiimbestigahan ng tatlong kongresista sa House Committee on Human Rights ang pag-aresto sa isang community doctor noong nakaraang linggo.
Sa kanilang inihaing House Resolution No. 2496, hinihimok nina Bayan Muna party-list Reps. Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite, at Eufemia Cullamat ang kaukulang komite sa Kamara na imbestigahan ang pag-aresto ng mga pulis at military intelligence operatives kay Dr. Ma. Natividad “Naty” Castro.
Iginiit ng mga kongresista na biktima nang “red-tagging” at “harassment” ang naturang doktor, na isa ring human-rights defender.
Marapat lamang anila na dipensahan ng Kongreso ang karapatan ng taumbayan at alamin kung mayroon nga bang pagmamalabis at paglabag sa mga karapatan ng mga ito lalo na sa panahon na nahaharap ang bansa sa krisis.
Nabatid na si Castro ay nahaharap sa kasong kriminal dahil sa pagkakasangkot daw nito sa kidnapping at serious illegal detention.