Pinamamadali ng isang kongresista ang pag-apruba sa panukalang national vaccination passports na kikilalanin sa buong mundo para maiwasan ang pagharang sa mga Pilipinong babiyahe sa ibang bansa.
Ayon kay Ang Probinsyano party-list Rep. Ronnie Ong, may-akda ng House Bill No. 8280 o ang proposed Vaccination Passport Law, layon ng panukalang kanyang inihain noon pang Disyembre 2020 na maiwasan na mangyari ang sinapit ng mga OFWs sa Hong Kong na hindi pinayagan makapasok dahil hindi kinikilala ng naturang bansa ang kanilang bitbit na locally-issued vaccination cards.
Kung naging mas proactive lang aniya ang pamahalaan sa paggawa ng isang national vaccination database at national vaccination card, matiwasay sanang nakapasok ang mga OFWs sa Hong Kong.
Hindi rin aniya masisisi ang Hong Kong sa hindi pagkilala sa vaccination cards ng mga inbound OFWs dahil wala naman talagang paraan para maberepika ang authenticity ng kanilang mga dokumento.
Ang RT-PCR COVID-19 swab test nga aniya ay napepeke sa kasalukuyan, kaya hindi malabo na pati ang mga vaccination cards ay napepeke na rin.
Nakikita ni Ong na ang pagkakaroon ng credible proof ng vaccination at vaccination cards ay magiging parang drivers license na lang din sa ilalim ng new normal.
Sa ngayon, hindi pa tapos ang Department of Information and Technology hinggil naman sa ginagawa nilang database ng mga bakunado na.