-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Iniuugnay ngayon sa sinasabing investment scam ang pagpatay sa mag-amang sina Bryan Togonon, 31 isang guro at Nicolo Bryzon Togonon 5 sa Abrenica st. Brgy. GPS Koronadal City.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Lt. Colonel Joefel Siason hepe ng Koronadal City PNP, dati na umanong nadawit sa reklamo ang biktima dahil sa sinasabing investment scam na nagkakahalaga ng P10 million.

Si biktima raw kasi ay tumatayong coordinator ngunit nabigong makapagbigay ng payout sa mga miyembro.

Sa karagdagang inisyal na imbestigasyon ng Koronadal City PNP, bago pa man pinatay ang mag-ama ay may mga motorsiklo nang namataan na pabalik-balik sa kanilang bahay na pinaniniwalaang mga gun for hire.

Nagtamo naman ng tama ng bala sa ulo, leeg, kamay at likod si Bryan habang ang anak nito ay nagtamo ng tama ng bala sa balikat habang trauma naman ang inabot ng misis nitong hawak pa ang tatlong buwang sanggol habang pinauulanan ng bala ang kanilang sasakyan.

Sa ngayon inaalam pa kung ano ang pangalan ng investment scam na pinasukan ng biktima.