-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Kumpiyansa ang Malay Tourism Office na magiging malaking tulong sa mga tourism establishments sa Boracay ang anunsyo ni Aklan Governor Florencio Miraflores na simula sa Nobyembre 16 ay hindi na obligado ang mga bakunadong turista na magpakita ng RT-PCR test sa pagpasok sa isla.

Ayon kay Malay Tourism Officer Felix delos Santos, sa ilalim ng Executive Order No. 028 ni Miraflores, bubuksan na sa lahat ng mga turista sa labas ng isla ng Panay at Guimaras ang Boracay basta makapakita ng vaccination certificate mula sa www.vaxcert.gov.ph o vaccination card na may QR code.

Sa kabila nito, ang mga turistang nakatanggap pa lamang ng unang dose ay kailangan pa rin na magpakita ng negatibong RT-PCR result.

Exempted lamang sa swab test ang mga dalawang taong gulang pababa.

Samantala, sinabi pa ni delos Santos na magreresulta ito sa pagbabalik sa trabaho ng mga apektadong tourism workers.

Sa kasalukuyan, halos fully vaccinated na ang lahat ng mga manggagawa sa isla na umaabot sa 94 percent habang ang mga eligible residents ay nasa 95 percent na.

Simula Nobyembre 1 hanggang 12, ang tourist arrivals ay umakyat na sa 20,402 na karamihan ay mula sa National Capital Region (NCR).