KORONADAL CITY – Naging daan ang Commission on Human Rights Region 12 sa boluntaryong pagsuko ng dalawang prime suspects sa brutal na pagpatay sa isang padre de pamilya sa bayan ng Tupi, South Cotabato.
Ito ang kinumpirma ni Atty. Keysi Gomez, Regional Director ng CHR-12 sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ang mga suspek na sina Bimbo Panansang, 41 anyos at bayaw nitong si Richie Bordago, 38 anyos na kapwa residente ng Sitio Glandang, Brgy. Kablon, Tupi, South Cotabato.
Ayon kay Atty. Gomez lumapit sa kanilang tanggapan ang pamilya ng mga suspek upang matulungan na maging ligtas sa kanilang pagsuko.
Kinumpirma naman ni PMSgt. Rea Mae Gatinao, spokesperson ng Tupi PNP ang pagsuko ng magbayaw.
Sinabi ni Gatinao na natakot umano ang mga suspek sa galit ng pamilya ng biktima na si Jay-ar “Tata” Ula matapos nilang ginawa ang karumal-dumal na pagtorture dito.
Sa ngayon, nasa kustodiya na sila ng Tupi PNP at nahaharap sa kasong murder.
Matatandaang natagpuan na lamang na walang buhay si Ula sa isang pinyahan sa naturang lugar na ginilitan ang leeg, tinanggal ang mga kuko, chop-chop ang mga paa, pinutulan pa ng ari na naging dahilan ng pagkasawi nito.
Lumabas naman sa imbestigasyon na nagkaroon ng alitan ang mga suspek at biktima habang nag-iinuman na humantong umano sa krimen.