Mananatili sa PDP-Laban si Senator Manny Pacquiao sa kabila ng mga patutsada sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang mga kaalyado nila.
Ito ay kahit pa na tinawag siyang sinungaling ni Pangulong Duterte sa isang public speech kamakailan, at ang panawagan ni PDP-Laban vice chairman at Energy Secretary Alfonso Cusi sa kanya na umalis na sa kanilang partido.
Iginiit ni Pacquiao na hanggang siya ang presidente ng PDP-Laban, patuloy niyang gagampanan ang kanyang trabaho.
Sa katunayan, magpapatawag aniya siya ng isang national assembly sa Setyembre kapag makabalik na siya sa Pilipinas kasunod nang nakatakda niyang bakbakan sa Estados Unidos sa Agosto.
Kaya naman kahit ilang political parties na ang nagbukas sa kanya ng kanilang pintuan para maging kanilang bagong miyembro, sinabi ni Pacquiao na hindi siya aalis sa ruling party.
Mananatili aniya siya sa PDP-Laban para “ayusin at turuan ang mga tiwaling miyembro” ng kanilang partido.
“Marami pong salamat sa inyong willing na pagtanggap sa akin. Gusto ko ipaalam na nandito pa po ako sa PDP at gusto kong ayusin at turuan ang mga tiwaling miyembro ng partidong ito,” ani Pacquiao.
Wala namang pinangalanan si pacquiao pero magugunita na sa mga nakalipas na buwan ay nagkaroon sila ng hindi pagkakaintindihan ni Cusi.
Ito ay matapos na magsimulang mangolekta naman ng lagda ang kampo ni Cusi sa mga miyembro ng partido para himukin si Pangulong Duterte na tumakbo sa pagka-bise presidente sa susunod na taon.
Kaagad namang nagpatawag si Cusi ng party assembly sa Cebu, na ayon kay Pacquiao ay iligal dahil hindi dumaan sa wastong approval process ang event na ito base na rin sa bylaws ng kanilang partido mismo.
Pero magugunita naman mula kay Cusi na mismong si Pangulong Duterte ang nagpatawag ng kanilang party assembly.










