Maaring diretso nang maghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman o sa Department of Justice (DOJ) si Sen. Manny Pacquiao sakaling mayroon itong hawak na sapat na ebidensya hinggil sa isiniwalat nito na umano’y korapsyon sa pamahalaan, ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra.
Ginawa ni Guevarra ang naturang pahayag matapos na sabihin ni Pacquiao na mayroong iregularidad na nangyayari sa loob mismo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Energy (DOE) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Bukod sa mga kagawaran na ito, idinawit din ni Pacquiao sa kanyang alegasyon ang umano’y korapsyon sa loob ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Guevarra, kung sa tingin ni Pacquiao na kailangan pang maimbestigahan ng husto ang usapin na ito, maari aniya siyang dumulong sa Presidential Anti-Corruption Commission o sa Task Force Against Corruption (TFAC).










