-- Advertisements --

Nabulabog ang isang paaralan sa lungsod ng Quezon ngayong Huwebes, Hulyo 2 matapos kumalat ang ulat tungkol sa diumano’y banta sa seguridad.

Subalit, ayon sa mga rumesponding kapulisan mula sa Quezon City Police District Station 13, false alarm o fake news ang kumalat na security threat sa Bagong Silangan National High School.

Ayon sa ulat ng istasyon, nagmula ang malakas na kalabog sa isang malapit na construction site sa labas ng paaralan. Napagkamalan itong tunog ng baril ng ilang mga estudyante.

Lalong nagdulot ng takot ang mga kumalat na text at online posts ng mga mag-aaral na nagke-claim na may nagaganap na “saksakan,” “barilan,” o may nanunutok ng armas sa loob ng campus.

Mariing itinanggi ni Bagong Silangan Barangay Chairman Wilfredo “Willy” Cara at ni QCPD 13 station commander P/LtCol Rowena Amata na may naganap na karahasan.

Dahil sa takot, dinagsa at nilusob ng mga nag-aalalang magulang ang paaralan upang maagang sunduin ang kanilang mga anak.

Nagdulot ito ng matinding takot sa loob ng mga silid-aralan kung saan may limang estudyante ang dinala sa clinic matapos mahirapang huminga dahil sa panic.

Nilinaw naman ng pamunuan ng eskwelahan na hindi kinansela ang mga klase, nang maging mapayapa na ang sitwasyon.

Paalala ng mga awtoridad sa publiko na huwag basta-basta mag-share ng mga hindi beripikadong impormasyon online upang maiwasan ang malawakang takot at perwisyo.