Tinatayang nasa mahigit P9.8 million halaga ng samut-saring iligal na droga ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine National Police Drug Enforcement Group at ng Ninoy Aquino International Airport Interagency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) sa isinagawang interdiction operation sa isang Central Mail Exchange Center sa Pasay City.
Ayon sa mga operatiba ito’y bunsod sa napaulat na kahina-hinalang inbound parcel na nasa isang cargo warehouse sa NAIA complex.
Ang naturang parcel ay may lamang ng mahigit 2.7g ng marijuana o kush, 17ml ng liquid marijuana, at mahigit 2,800 na piraso ng ecstasy.
Kasalukuyang tini-trace na ng mga operatiba kung saan at kung sino ang nagmamay-ari ng naturang parcel.
Samantala, nasa P19.97-B halaga ng iligal na droga ang sinira ng PDEA.
Ito ang pinakamalaking naitalang dami ng ilegal na droga at controlled precursors and essential chemicals na winasak ng ahensiya sa Integrated Waste Management, Inc., Barangay Aguado, Trece Martires City, Cavite.
Nasabat ang mga ito mula sa iba’t ibang anti-drug operations na isinagawa ng PDEA kasama ang iba pang law enforcement at military units.
Ang pagwasak sa mga ilegal na droga ay alinsunod sa guidelines na itinakda sa kustodiya at disposisyon nito sa ilalim ng “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002,” at Dangerous Drugs Board Regulation No. 1, series of 2002.