-- Advertisements --
NDRRMC

Aabot na sa mahigit Php 9 million na halaga ng tulong na ang naipaabot ng gobyerno para sa mga biktima ng bagyong Betty, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Batay sa pinakahuling disaster bulletin ng ahensya, nasa kabuuang Php9,747,456 na halaga na ng assistance ang naipadala sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa, Western Visayas, at Cordillera Administrative Region para sa mga pamilya ng mga apektado ng nasabing bagyo.

Ang naturang halaga ay ginamit para sa food and non-food items kabilang na ang mga butane canisters, hygiene kits, laminated sacks, modular tents, portable stoves, sleeping kits, at fuel.

Buko dito ay sinabi rin ng ahensya na 21,586 pamilya na katumbas ng 77,801 katao na naninirahan sa 294 barangay sa naturang mga rehiyon ang naapektuhan ng bagyong Betty.

Sa mga bilang na ito, 678 pamilya o 2,187 indibidwal ang nasa 42 evacuation centers, habang ang natitira naman ay pansamantalang nanunuluyan naman sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan, o nakauwi na sa ngayon.

Samantala, sa ngayon ay sinusuri ng ahensya ang ulat ng isang nasawi sa Cordillera.

May kabuuang 86 na bahay ang naiulat na nasira sa Ilocos Region, Central Luzon, Western Visayas at CAR, 78 dito ay partially damaged na mga bahay at walo ang totally damaged.