P8.1M halaga ng shabu, nasabat sa isinagawang operasyon sa Cebu
CEBU CITY-Sa kulungan ang bagsak ng isang high-value individual na lalaki matapos ang isinagawang buy bust operation kaninang madaling araw October 2, sa Brgy. Lorega nitong lungsod ng Cebu kung saan nasamsam ang bulto-bultong pakete ng hinihinalang shabu.
Nakilala ang naaresto na si Leo James Cortes,32 anyos, isang delivery rider at residente ng Brgy. Pasil nitong lungsod.
Nakumpiska mula sa posisyon nito ang 1,200 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P8,160,000.
Inihayag ni PMaj Efren Diaz Jr, station commander ng Police station 1 nitong lungsod,lumitaw pa umano ang pangalan ni Cortes sa mga naunang operasyon.
Isinailalim pa sa apat na buwang surveillance si Cortes bago ikinasa ang operasyon.
Dagdag pa ni Diaz na makapag dispose pa umano ang suspek ng isang kilo ng shabu kada linggo sa mga lugar ng Talisay, Minglanilla, Mambaling, Lorega at iba pang mga karatig na barangay.
Nahaharap ngayon ang naarestong suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.