-- Advertisements --

Nangangailangan daw ng P67.62-bilyong supplemental budget ang Department of Health (DOH) para masuportahan ang pondo nito para sa COVID-19 measures.

Ayon kay Health Usec. Gerardo Bayugo nasa P45.72-bilyon lang mula sa kanilang ipinanukalang dagdag pondo ang inaprubahan ng Department of Budget and Management.

“Some of the difference is dahil may mga earlier released. Mayroong pinag-aaralan pa, ongoing review and may mga kailangang i-resubmit. Yun yung pinaka-macro budget namin na hiningi for supplemental,” paliwanag ng opisyal sa pagharap nito sa virtual meeting ng House Committee on Metro Manila Development.

May P2.28-bilyon na raw na realigned budget mula sa pondo ng DOH ang magagamit para sa requirements ng COVID-19 response.

Ang mga ito ay gagamitin umano para suportahan ang Health Facilities Enhancement Program, pagbili ng test kits at personal protective equipments. Pang-suporta na rin daw ito sa mga hakbang kontra at pag-kontrol ng iba pang nakahahawang sakit.

Sakop din ng nasabing realigned budget ang bayad sa mga dagdag na health care manpower, at backup sa quick response fund ng Health department.

Mula sa higit 12,000 COVID-19 cases sa Pilipinas, higit 8,000 ang mula sa National Capital Region.

Katumbas daw nito ang 64.8-percent ng mga confirmed cases sa bansa.