
Arestado ang limang drug suspeks sa isinagawang buy bust operations ng PNP sa Imus, Cavite kung saan nasa P58-million halaga ng iligal na droga ang nakumpiska.
Ayon sa PNP ang limang nahuli ay may koneksiyon sa napatay na dating mayor ng Talitay, Maguindanao na si Montasir Sabal.
Ayon kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, malaking dagok sa grupo ang pagkakaaresto sa limang drug suspeks.
Nahuli nang pinagsanib na pwersa ng Manila Police District (MPD) Drug Enforcement Unit, PDEA at Cavite police ang mga suspek na sina Tamano Daud, Ismael Daud, Norma Maguid, Bainor Maguid at Omar Rediya sa Brgy. Bayang Luma III sa nabanggit na lugar.
Naharang sa mga suspek ang malaking bulto ng shabu na nagkakahalaga ng P58 milyong, isang Glock17 9mm na pistola, isang Kossnor London chrome caliber .45 pistol, samu’t saring mga bala at ilang drug paraphernalia.

Maliban sa pagkakabilang sa national drug watchlist, si Sabal din ang nagsusuplay daw ng mga armas sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na siyang ginagamit sa paghahasik nila ng karahasan sa Mindanao.
Pinuri naman ni PNP chief ang matagumpay na operasyon sa Cavite.
Siniguro ni Eleazar na hindi titigil ang PNP sa pagtugis sa mga high value target na sangkot sa illegal drug trade.















