-- Advertisements --

Tumataginting na P55 million ang ginastos para sa kontrobersiyal na EDSA-pwera commercial.

Ito ang kinumpirma ni People’s Initiative for Reform Modernization and Action (Pirma) lead convenor Noel Oñate.

Sa naturang advertisement, layunin nitong i-discredit ang 1987 Constitution at ang Edsa People Power Revolution. Gayundin, kini-claim nito na nabigo ang Konstitusyon na pagbutihin ang edukasyon at agrikultura sa bansa.

Sa naging pagdinig nga sa Senado nitong Martes kaugnay sa signature campaign para sa Charter change, kinumpirma ni Oñate na kalahati ng ginastos na pera para sa naturang commercial ay nagmula mismo sa kaniyang sariling bulsa o aabot sa P27.5 million habang ang kalahati naman ay nagmula sa iba’t ibang contributor.

Nang kastiguhin ni Sen. Francis “Chiz” Escudero kung sinu-sino ang naturang mga contributor, inisyal na sinabi ni Oñate na hindi niya maalala subalit kalaunan ay ipinaliwanag na kaniyang tatanungin ang mga ito kung payag silang maisapubliko ang kanilang pangalan.

Pumayag naman dito si Sen. Escudero at ipinaliwanag kung bakit nais malaman ng komite ang mga nasa likod nito ay dahil hinihingi ng publiko na magkaroon ng accountability at transparency.