-- Advertisements --

Hiniling ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee sa pamunuan ng Kamara na dagdagan ng P521 Million ang kabuuang pondo ng Department of Agriculture (DA) para sa susunod na taon.

Sa sulat na ipinadala ng mambabatas sa House Committee on Appropriations, layon nito na mapabilis ang pag-update at maging digitalized ang data registration ng mga magsasaka at mangingisda sa buong bansa.

Ayon kay Lee, ang nasabing halaga ay gagamitin para sa maayos at mahusay na pagpapatupad ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) project ng DA.

Nakapaloob sa naturang proyekto ang kumpletong profiling ng mga farmer at fisherfolk, maging ang georeferencing ng 846,000 hektaryang sakahan o pataniman at ang upgrading ng Information and Communications Technology network ng DA.

Sinabi ni Lee na sa pamamagitan ng RSBSA, ay magiging mas madali ang pag-access ng mga magsasaka at mangingisda sa iba’t-ibang programa ng pamahalaan na nakalaan para sa kanila, kabilang ang pamamahagi ng ayuda o financial assistance, fuel subsidy at iba pa.

Diin pa ni Lee, bukod sa pag-a-update ay maisasakatuparan din ang full integration ng RSBSA data sa iba pang government programs gaya ng Philippine Identification System ng Philippine Statistics Authority at ang Agrarian Reform Beneficiaries masterlisting ng Department of Agrarian Reform.

Binigyang-diin ng Kongresista na hindi dapat pinatatagal ang pagsasa-ayos ng napakahalagang mekanismo ng paghahatid ng serbisyo sa mga mahihirap nating mga kababayan.

Dagdag pa nito na walang marating kung kukupad-kupad sa pagpapatupad ng mahahalagang programa ng gobyerno