BAGUIO CITY – Sinira ng mga otoridad ang aabot sa P52 million na halaga ng mga marijuana sa magkaibang eradication operations na isinagawa nila sa mga kabundukan ng Mountain Province at Kalinga.
Binunot at sinunog ng mga operatiba ang 13,000 piraso ng mga marijuana sa dalawang plantation sites sa Mt. Ungyod, Betwagan, Sadanga, Mt. Province na nagkakahalaga ng P2.6 million.
Bahagi ito ng implementasyon nila ng Oplan Teabag.
Binunot at sinunog naman ng mga operatiba ang 240,500 piraso ng mga marijuana mula sa siyam na plantation sites sa Loccong, Tinglayan, Kalinga na nagkakahalaga ng P49.6 million.
Bahagi ito ng implementasyon ng Oplan Linis Barangay XII ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Cordillera at ng Oplan Green Pearl Charlie ng Cordillera PNP.
Ayon sa mga otoridad, ito na ang isa sa pinakamaraming marijuana na kanilang sinira sa Cordillera.