-- Advertisements --
image 233

Nakatakdang ilabas ng pamahalaan ang P50 million pondo para mabigyan ng P10,000 cash aid ang bawat overseas Filipino workers na hindi pa natatanggap ang kanilang sahod mula sa ilang kompaniya sa Saudi Arabia na nalugi halos isang dekada na ang nakakalipas.

Ito ay matapos na lagdaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isang memorandum of agreement kasama ang Department of Migrant Workers para ilipat ang P50 milyong pondo sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tutulong para sa pamamahagi ng cash iad para sa 8,000 benepisyaryo.

Ayon kay Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, posibleng madownload na ang nasabing pondo sa susunod na linggo o bago ang araw ng Miyerkules, Marso 15.

Ayon naman sa Department of Migrant Workers, makikipa-ugnayan sila sa mga kabilang sa listahan ng kwalipikadong benepisyaryo kung saan kailangan na mag-log ng mga ito sa isang website para makumpleto ang form upang maberipika ang kanilang eligibility para makatanggap ng cash aid.

Matapos na makumpleto ang online form, ibibigay ang control number sa bawat benepisyaryo na kailangang ipresenta sa claiming center para matanggap ang cash grant.

Matatandaan na noong Nobiyembre ng nakalipas na taon, nangako si Saudi Crown Prince Mohammad bi Salman kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na sasagutin ng Saudi Arabia ang hindi pa nababayarang sahod ng mga OFW na naapektuhan ng pagkalugi ng ilang construction firms sa Middle Eastern country.