-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) region 2 ang P50 hanggang P75 na pagtaas ng arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa ikalawang rehiyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ini-anunsiyo mismo ni Labor Secretary Silvestre Bello III na 50 pesos wage hike ang inaprubahan ng RTWPB region 2 sa non-agricultural sector kaya ang kasalukuyang P370 na arawang sahod ay magiging P420 na.

Sa mga agricutural na kasalukuyang P345 ay madadagdagan ng P55 kaya magiging P400 na.

Sa mga business enterprises na may kawani na 10 pababa ay madadagdagan ng P75 ang kasalukuyang P345 kaya magiging P420 na ang arawang sahod.

Ayon kay kalihim Bello, ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa sa ikalawang rehiyon ay magkakabisa 15 na araw matapos na ilathala ng RTWPB region 2.