CAGAYAN DE ORO CITY – Matagumpay na nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang nasa P50 million na halaga ng smuggled na mga sigarilyo na ipinuslit papasok sa Northern Mindanao mula sa China.
Ito’y matapos dumaong ang barko sa Mindanao Container Terminal ng Tagoloan, Misamis Oriental.
Ayon sa BOC-Cagayan de Oro collector na si John Simon, unang ipinalusot ng LMRC 418 Direct Import Export Corporation ang kontrabando nitong Pebrero 2 kung saan pinalabas na furniture cargo ang kargamento subalit mga sigarilyo pala na mayroong brand na Marvels at Two Moon mula China.
Sinabi ni Simon na mismong ang BoC’s Intelligence and Investigation Services ang unang nakatanggap ng impormasyon na kahina-hinala ang impormasyon na ipinakita ng consignee ukol sa kargamento kaya isinagawa ang inspeksyon at tumambad ang dalawang container vans na puno ng mga sigarilyo.
Ito ang pinakaunang smuggled cigarettes confiscation ng Customs-Cagayan de Oro sa unang quarter ng taong kasalukuyan.
Noong nakaraang taon, hindi mabilang ang dami ng mga na-intercept o naharang ng mga kontrabando ang naisagawa ng BOC sa daungan ng lalawigan mula sa ilang bansa dito sa Asya.