ILOILO CITY – Aabot sa P4 million na pera at P100,000 na halaga ng alahas ang natangay ng mga magnanakaw sa isang bahay sa Deca Homes, Phase III, Barangay Balabag, Pavia, Iloilo.
Ang biktima ay si Yenie Bakial, 41-anyos na negosyante.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay P/Sr. Master/Sgt. Geoffrey Obaob, imbestigador ng Pavia Municipal Police Station, sinabi nito na wala sa kanyang bahay ang biktima nang mangyari ang pagnanakaw.
Nang makauwi ito kasama ang kanyang kapatid, dito nadiskubre na sira na ang doorknob ng kuwarto ng kanyang ina.
Ayon kay Obaob, posibleng matagal nang pinag-aralan ng mga suspek na pasukin ang bahay kaya madali nilang nalimas ang mga pera at alahas.
Sa ngayon, patuloy na iniimbestigahan ng kapulisan ang insidente.