Arestado ang isang 24 anyos na lalaki noong martes, matapos makumpiska sa kaniya ang hinihinalang high grade marijuana sa Brgy. Sta. Elena sa Marikina City.
Nakuha kay alyas Badong ang 270 na gramo ng hinihinalang high grade marijuana o Kush na katumbas ng halagang 378,000 pesos at 10 gramo ng hinihinalang dried marijuana leaves na katumbas naman ng 1, 200 pesos.
Ayon kay Eastern Police District Director Brigadier General Atty. Wilson Asueta, nakuha ng Marikina Station Drug Enforcement Units ang tip mula sa isang informant, hudyat para mahuli si alyas Badong.
Nakumpiska ng awtoridad kay alyas Badong ang pangalan ng ilang personalidad na pinagkukunan niya ng suplay.
Ang mga pangalan ay susuriin, pag-aaralan at pag nakumpirma ay idadagdag nila sa kanilang watchlist at magsasagawa ng operasyon.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Marikina custodial facility habang ang mga ebidensiya ay nasa EPD forensic group.
Ayon kay Asueta, 75% drug cleared na ang Metro East. Aniya, ang pinaka drug cleared city sa buong Metro East ay ang San Juan City kung saan ang lahat ng barangay nito ay drug cleared na base sa parameters ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Sisikapin naman ng Eastern Police District na dagdagan pa ang drug cleared barangays bago matapos ang taon.
Payo naman ni District Director Asueta lalo na sa kabataan, iwasan ang Kush na nananatiling kabilang sa mga ilegal na droga sa bansa.