-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Tuloy na bukas ng umaga, Nobyembre 20, ang pagdinig tungkol sa naging paghahati-hati ng P35 million bounty para sa mga impormante sa Batocabe slay case.

Una rito, ilan sa mga mambabatas ang nagduda na posibleng “na-ninja” rin ng mga tiwaling pulis ang halagang pinag-ambag-ambagan ng Office of the President, miyembro ng 17th Congress ng Kamara, at probinsya ng Albay.

Nilinaw ni House Committee on Public Accounts chairperson at Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na pangunahing nilalayon nito ang maresolbah ang kaso ng pamamaslang sa dating kasamahan sa Kamara na si Party-list Rep. Rodel Batocabe.

Nagkaisa ang mga kasapi ng party-list sa Mababang Kapulungan na paimbestigahan ang isyu at maituro ang totoong responsable.

Ito ay matapos na makapagpiyansa sa mga kinakaharap na kaso si dating Daraga Mayor Carlwyn Baldo na sinasabing “mastermind” sa krimen.

Kabilang sa mga inaasahang sisipot sa pagdinig bukas sina dating Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Oscar Albayalde, PNP officer-in-charge P/Lt. Gen. Archie Gamboa, PNP Criminal Investigation and Detection Group Chief B/Gen. Joel Napoleon Coronel, mga opisyal ng PNP Legal and Intelligence Division, at maging ang mga prosecution witnesses.