-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Wala kawala sa mga otoridad ang isang 23-anyos na criminology graduate matapos na maaresto sa buy-bust operation sa Sitio Panorama, Brgy. Poblacion, Cawayan, Masbate.

Kinilala itong si Jomer Pelorina na residente ng Brgy. Divisoria sa naturang bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PDEA Bicol information officer Cotton Talento, sinabi nito na huli sa akto si Pelorina habang inaabot ang pinaniniwalaang iligal na droga sa isang operatiba na nagpakilalang buyer.

Nang magkapalitan na ng drug item at buy-bust money, agad na hinuli si Pelorina kung saan nakumpiska pa ang isang transparent plastic bag na naglalaman ng iligal na droga, may bigat 50 gramo at market value na P340,000.

Nahaharap naman sa patong-patong na kaso ang suspek na nabatid na naghihintay na lamang sana ng board exams nito nang mahuli sa operasyon.