-- Advertisements --

Isinusulong ng mga kongresista na madagdagan ang pondo ng Office of the Ombudsman para sa susunod na taon.

Sa budget briefing sa Kamara, umalma si Ombudsman Samuel Martires sa ginawang pagbabawas ng Department of Budget of Management (DBM) sa susunod na taon, partikular na ang sa Personnel Services.

Ayon kay Martires, ang orihinal na request nila sa DBM ay P4.6 billion pero ang pinagbigyan lamang ay 20.07 percent nito o P3.268 billion, na mas mababa pa kumpara naman P4.1 Billion na alokasyon sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act.

Para kay House Deputy Speaker Rodante Marcoleta dapat na ibalik ang ibinawas na budget sa Personnel Services, habang si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez naman ay itinutulak ang pagbabalik ng P1.2 Billion na inalis sa pondo ng Ombudsman sa 2021.

Sinabi ni Martires na hindi naipaliwanag sa kanila ng DBM ang ginawang pagtatapyas sa kanilang pondo.

Kung tutuusin, hindi akma sa itinatakda ng RA 6770 ang ginawang budget cut ng DBM para sa Office of the Ombudsman.

Nabatid na sa naturang batas ay hindi dapat mas mababa ang ibibigay na pondo sa isang ahensya mula sa nakaraang fiscal year appropriations nito.

Sa pagbaba ng kanilang pondo sa susunod na taon, apektado ang kanilang planong dagdagan ang kanilang field lawyers at investigators gayundin ang pagbuo ng isang tanggapan na hiwalay na hahawak sa mga administrative cases.