-- Advertisements --

Aabot ng hanggang P244 million-halaga ng smuggled, unregistered o counterfeit personal protective equipment (PPEs) at iba pang medical supplies magmula noong Marso hanggang noong Mayo ang nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC), ayon sa Department of Finance.

Sinabi ng DOF na ang pagkakakumpiska sa mga ito ay bahagi ng nagpapatuloy na mga hakbang ng BOC para masawata ang illegal importation, storage at hoarding ng mga goods na maituturing bilang essential sa laban ng pamahalaan kontra COVID-19.

Sa kanilang report kay Finance Sec. Carlos Dominguez III, sinabi ng BOC na bagama’t nagpalabas sila ng maraming regulations para mapabilis ang pagproseso nang pag-aangkat ng PPEs at iba pang medical supplies, ilang traders anila ang nagmamalabis sa COVID-19 crisis para magpuslit ng smuggled goods.

Sa kanyang report, sinabi ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na naglabas sila ng 10 Letters of Authority kung saan sakop ang inspection sa mga tao at lugar na pinaghihinalaang nagbebenta o nagtatago ng smuggled at/o unregistered medicines at equipments mula Marso 25 hanggang Mayo 31.

“Moreover, profiling/targeting of imported shipments suspected to contain contraband and other smuggled articles were intensified. As a result a total of P244.4 million-worth of smuggled/counterfeit/unregistered PPE and medicines were seized by the Bureau,” ani Guerrero.

Mababatid na noong Mayo 1, ilang piraso ng PPEs at Chinese medicines na umano’y gamot sa COVID-19 na tinatayang nagkakahalaga ng P70 million ang nakumpiska ng BOC sa isang warehouse sa Singalong, Manila.

Bukod dito, P5 million halaga ng masks, gloves, googles, alcohol, thermal scanners, test tubes at syringes sa ilalim ng pangalan na Phylmed Dynasty Supplies Corp sa Binondo, Manila ang kanilang nakumpiska.