-- Advertisements --

Tinatayang nasa kabuuang 7,000 residente ng Oriental Mindoro ang nakatanggap ng P23 milyong halaga ng scholarship, farm, at livelihood assistance sa ilalim ng tatlong programa na binuo ng liderato ng House of Representatives sa tulong ng mga ahensya ng gobyerno alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pamimigay ng cash assistance sa mga kuwalipikadong benepisyaryo ng mga programang Integrated Scholarships and Incentives Program (ISIP) for the Youth; Start-up, Investment, Business Opportunity and Livelihood (SIBOL); at Farmers Assistance for Recovery and Modernization (FARM).

Ang paglulungsad ng mga programang ito ay kasabay ng pagsasagawa ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Oriental Mindoro noong Sabado at Linggo, kung saan nasa kabuuang P1.2 bilyon ang halagang tulong na dala ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Sinabi ni Speaker na kanilang dinagdagan ang mga programa na ipinamamahagi sa mga kababayan natin sa BPSF, kabilang sa mga dinagdag na programa ay ang ISIP, SIBOL at FARM ng sa gayon lahat ng sektor ay nabibigyan ng tulong.

Bilang pagkilala sa mga ginawa ni Speaker Romualdez upang madala ang BPSF at iba pang tulong sa probinsya, binigyan ni Mindoro Oriental Governor Humerlito Dolor ng espesyal na sablay sash ang lider ng Kamara kung saan mababasa ang “Our Beloved Friend” sa native na lenguwahe.

Para sa ISIP for the Youth, may kabuuang 2,000 estudyante sa Oriental Mindoro ang nakatanggap ng tig-P2,000 cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang pamimigay ay ginanap noong Sabado sa Divine Word College of Calapan Gymnasium, kung saan nagbigay ng keynote address si Speaker Romualdez.

Ang mga benepisyaryo ay ipapasok din sa Tulong Dunong Program (TDP) ng Commission on Higher and Technical Education’s (CHED) Tulong Dunong Program (TDP) kung saan sila ay makatatanggap ng hanggang P15,000 tulong kada taon.

Pangunahing layunin ng programa na magtulungan ang mga estudyante sa tertiary at vocational level na mayroong problemang pinansyal. Ang mga benepisyaryo ng programa ay makatatanggap ng cash assistance bawat anim na buwan na kanilang magagamit sa mga bayarin sa pag-aaral.

Ang programa ay naging posible sa pagtutulungan ng DSWD, Department of Labor and Employment (DOLE), CHED, at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Para sa SIBOL, nasa kabuuang 3,000 maliliit na negosyante ang binigyan ng tig-P5,000 cash assistance,ginanap ito sa Calapan Convention Center.

Ang SIBOL program ay isang inisyatiba ni Speaker Romualdez sa tulong ng DSWD kung saan tinutulungan ang mga nais na maging entrepreneur o mayroong mga micro at small enterprise, at mga indibidwal na naghahanap ng oportunidad na makapagtrabaho.

Si Speaker Romualdez, na nagsilbing keynote speaker sa SIBOL distribution event ay sinamahan nina Dolor, Panaligan at Calapan Mayor Marilou Flores-Morillo.

Para sa FARM Program, nasa 2,000 magsasaka ang nakatanggap ng tig-P2,000 halaga ng cash aid sa isang simpleng programa noong Sabado na ginanap sa Bulwagang Panlalawigan Gymnasium sa Calapan, Oriental Mindoro.

Layunin ng programa na matulungan ang mga magsasaka ng palay kasabay ng pagpaparami ng suplay ng bigas sa bansa.

Ang FARM program ay isa ring inisyatiba ni Speaker Romualdez at ng Kamara sa tulong ng National Food Authority (NFA), Department of Agriculture (DA), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang tugon sa pagnanais ni Pangulong Marcos na matulungan ang sektor ng agrikultura.

Hiniling ni Speaker Romualdez sa mga benepisyaryo na ibenta ang hindi bababa sa 100 kilo ng kanilang bigas upang matulungan ang NFA na maparami ang buffer stock ng bansa na gagamitin sa panahon ng emergency.

Sa ilalim ng FARM program, ang Department of Agriculture (DA) ang namimili ng mga benepisyaryo.