P21.9M halaga ng shabu, nasabat sa isinagawang buy bust operation sa Cebu; 2 arestado kabilang ang isang dating OFW
Walang tigil pa rin ang isinagawang kampanya ng pulisya laban sa iligal na droga sa kabila ng selebrasyon ng Undas matapos matagumpay na namang nakakumpiska ang mga ito ng 3 kilo at 25 gramo ng shabu sa isinagawang buy bust operation ngayong gabi Nobyembre 1, sa Brgy. Mabolo nitong lungsod ng Cebu na humantong sa pagkaaresto ng dalawang indibidwal.
Kabilang sa naaresto ang isang dating OFW na si Christian Amistad Peña, 33 anyos, at residente ng Brgy. Hipodromo nitong lungsod.
Kasama din sa nahuli ang isang kinilalang Bert Jason Paburada Turno, 36 anyos
Isinailalim pa si Peña sa dalawang buwang surveillance habang anim na buwan namang surveillance si Turno bago ikinasa ang operasyon at nagsilbi din itong drug courier.
Nakumpiska mula sa posisyon ng mga ito ang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng 21.9 million pesos.
Makapagdispose pa umano ng 3-5 kilos ng shabu si Peña kada linggo.
May nakuha na rin umanong impormasyon ang pulisya kung sino ang source sa droga ng mga ito ngunit patuloy pa ang isinagawang follow-up investigation.
Nahaharap ngayon ang mga naarestong suspek sa kasong paglabas sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, nangako naman si PRO-7 Director Police Brigadier General Roderick Augustus Alba na hindi nila ititigil ang kampanya laban sa iligal na droga at kriminalidad.