-- Advertisements --
resto souvenir on fire in Baguio

BAGUIO CITY – Patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang sanhi ng pagkasunog ng isang restaurant-souvenir shop at isang bahay sa Lualhati Barangay, Baguio City.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay SFO3 Danilo Fabian, Intelligence and Investigation Unit Chief ng Baguio City Fire Station, sinabi niyang gawa sa kahoy at light materials ang nasabing shop kaya mabilis kumalat ang apoy na nagsimula pasado alas-9:00 ng umaga.

Aniya, nadamay din ang residential house na nasa likuran ng restaurant-souvenir shop.

Kaagad namang nagresponde ang mga bombero at volunteer water stations kaya nadeklara agad ang fire out matapos ang 35 minuto.

Suwerte naman aniyang walang nasugatan sa insidente.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga ito, pinaniniwalaang nagmula ang sunog dahil sa pagsabog ng refrigirator ng restaurant-souvenir shop.

Tinatayang aabot sa P1.5 hanggang P2 million ang danyos ng ikalawang structural fire sa Baguio City ngayong taon matapos masunog ang isang inn noong nakaraang buwan.

Dahil dito, mahigpit na pinapaalalahanan ng mga otoridad ang publiko sa pag-iingat ng mga ito lalo na at papalapit na ang tag-araw.