-- Advertisements --

drugs1

Arestado ang dalawang drug personalities sa ikinasang buy bust operation ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Makati City Police Station kaninang ala-1:30 ng madaling araw sa may Kalayaan Avenue, Barangay West Rembo, Makati City.

Sa pangunguna ni Col. Harold Depositar, nasa 400 grams ng hinihinalaang shabu na nagkakahalaga ng higit P2.7 million ang nakumpiska.

Kinilala ni Southern Police District director, B/Gen. Jimili Macaraeg ang dalawang nahuli na nagngangalang Lucky Chinwe Ugboaga alyas Negro, isang Nigerian national at Rowena Brojas Reyes alyas Buntis, kapwa residente ng Dasmariñas, Cavite.

Bukod sa nakumpiskang iligal na droga, nasabat din sa mga ito ang isang sasakyan, cellphone at buy bust money.

Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa laban kina Negro at Buntis.

Pinuri naman ni Macaraeg ang matagumpay na operasyon ng Makati City Police na patunay aniya na ang kapulisan sa Southern Metro ay hindi tumitigil sa pagsugpo sa iligal na droga na sumisira sa kinabukasan ng ating mamamayan.

drugs2