-- Advertisements --

Inamin ni PhilHealth President Ricardo Morales na hindi pa nila natutukoy kung saan napunta ang umano’y P154-billion na nawala sa state health insurer dahil sa overpayments at iba pang fraudulent schemes magmula noong 2013.

Sa isang panayam, sinabi ni Morales na tinanong na niya ang Commission on Audit (COA), Insurance Commission, National Bureau of Investigation (NBI), Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), at nananatili aniya itong “unsubstantiated”.

Noong nakaraang taon, hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbitiw sa puwesto ang board ng PhilHealth dahil sa umano’y “ghost” dialysis treatment scheme.

Kamakailan lang ay kinuwestiyon naman ni Presidential spokesperson Harry Roqye ang umano’y ‘di pagkilos ni Morales sa korapsyon sa ahensya.

Pero ayon kay Morales, nasa 20 opisyal at empleyado ng PhilHealth ang sinampahan na ng kaso matapos na maipadala sa NBI at PACC ang mga dokumento hinggil sa umano’y korapsyon sa state health insurer.