Dismayado si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa kabiguan ng Kongreso na masolusyunan ang paghihirap ng mga lokal na magsasaka bunsod ng pagbulusok ng presyo ng palay sa mga nakalipas na buwan.
Isa si Brosas sa mahigit 50 kongresista na naghain ng House Joint Resolution No. 18 noong Setyembre para hilingin na bigyan ng P15 billion supplemental budget ang National Food Authority (NFA) upang bilhin ang aning palay ng mga magsasaka sa farmgate price na P20 kada kilo.
Subalit hanggang sa ngayon ay pending pa rin ang naturang joint resolution sa Committee on Appropriations, at posibleng sa pagbalik pa ng sesyon ng Kongreso sa Nobyembre 4 matatalakay.
Iginiit ni Brosas na hindi rin kasi ramdam ngayon ng mga magsasaka ang P10 billion na Rice Competetive Enhancement Fund (RCEF) na ipinapangako ng Rice Tariffication Law (RTL), na nag-alis sa quantitive restriction ng mga rice imports kapalit ang ipinapataw na taripa sa mga ito.
Nabatid na aabot sa P3 billion pesos ang realignment na ginawa ng Kamara para sa pondo ng NFA sa susunod na taon para gamitin sa pagbili ng mga ani ng mga Pilipinong magsasaka.
Subalit ayon kay Brosas, hindi ito ang kagyat na solusyon sa problema sapagkat sa susunod na taon pa ito mapapakinabangan.