Hindi pinagbigyan ng Department of Budget and Management (DBM) ang hiling ng PhilHealth na dagdagan ang kanilang pondo para sa susunod na taon.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House committee on public accounts hinggil sa issue ng korapsyon sa PhilHealth, sinabi ni acting senior vice president for actuarial services Nerissa Santiago na P138 billion ang 2021 budget proposal nila sa DBM.
Pero ang abiso aniya sa kanila ay P71 billion lamang ang kanilang matatanggap na pondo para sa susunod na taon, kagaya ng alokasyon ngayong 2020.
Ito ay kahit pa base sa kanilang projections ay hanggang sa susunod na taon na lamang ang kanilang actuarial life.
Malaki kasi aniya ang lumalabas na pera ngayon sa PhilHealth bunsod ng COVID-19 public health crisis, habang bumababa naman ang kanilang koleksyon mula sa contribution ng kanilang mga miyembro.
Inaasahan din aniya nilang bababa pa ang contributions sa susunod na taon dahil sa epekto pa rin ng COVID-19 crisis sa parehas na direct at indirect contributors.










