Sa kulungan ang bagsak ng dalawang indibidwal matapos ang isinagawang buybust operation kaninang umaga, Nobyembre 22, sa Barangay Inayawan nitong lungsod ng Cebu kung saan nakumpiska ang 1.8 kilo ng hinihinalang shabu.
Kinilala ang mga naaresto na sina Alexander Luy Ponce alias “Kevin”, 31 anyos at Jessie Sabejon Abadiano, 31 anyos.
Nakumpiska mula sa posisyon ng mga ito ang shabu na tinatayang nagkakahalaga P12,274,000.
Inihayag ni Cebu City Police Office Director Police Colonel Ireneo Dalogdog na isinailalim sa higit isang buwang surveillance ang dalawa bago ikinasa ang operasyon.
Makapagdispose pa umano ng hindi bababa sa isang kilo ng shabu sa loob ng isang buwan si Ponce.
May ibinunyag pa umano ang mga naaresto na mula sa isang nakilalang si alyas “Paye” na kasalukuyang nakadetain sa Cebu City jail ang mga nakumpiskang droga ngunit patuloy pa nila itong iimbestigahan.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.