NAGA CITY – Arestado ang mag-lola matapos ang isinagawang buy bust operation sa Zone 1, Brgy. San Felipe sa lungsod ng Naga.
Kinilala ang lola na si Araceli Arbuis, 67-anyos, residente ng nasabing barangay at ang apo nito na si Bench Arbuis, 20-anyos, residente naman ng Zone 7, Sagrada Familia, Brgy. Peñafrancia, sa nasabi rin na lungsod.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Naga City Police Office, napag-alaman na nakabili ang nagpanggap na poseur buyer sa suspek ng isang heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang na mayroong bigat na 5 grams at nagkakahalaga ng P17,000.00.
Kaugnay nito, sa pag check pa ng mga awotoridad, narekober pa sa mga suspek ang anim pang piraso ng pinaniniwalaang shabu na mayroong bigat na 10 grams.
Sa kabuoan, umabot sa P102,000.00 ang halaga ng mga nakumpiskang mga shabu sa mga suspek.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek para sa karampatang disposiyon.